History of Central


ALAMAT NG BARANGAY CENTRAL

(PAYAK NGUNIT TANYAG)


      Noong unang panahon, ayon sa ilang matatanda, mabibilang mo lamang sa iyong mga daliri ang mga taong nakatira sa pook na kung tawagin ay CENTRAL. Malaking bahagi ng lugar na ito ay taniman ng tubo at ang natitirang bahagi ay talahiban.

           

     Mula sa Negros Occidental, dinala ni Don Francisco Esteban sa nabanggit na lugar  ang ilang kababayan niyang mga Ilonggo, kasama ang kanilang mga pamilya upang maging trabahador at empleyado sa Bataan Sugar Central Company na itinatag noong 1929. Ang Bataan Sugar Central Company ay isang pagawaan ng asukal na pag-aari ng isang korporasyon. Si Don Francisco Esteban, isang mestisong Kastila na haciendero mula sa Visayas, ang siyang tumatayong presidente ng nasabing kompanya.

         

     Ang mill-site ay nasa kalagitnaan ng CENTRAL, sakop ng Barangay Cupang. Napapalibutan ang naturang mill-site ng mga kabahayan ng mga empleyado at manggagawa sa asukalan. Bago pa man dumating ang mga Hapones ay CENTRAL na ang tawag sa lugar, pangalang hinango mismo sa pangalan ng planta Bataan Sugar Central Company, ang plantang nagpatanyag sa Barangay Central.

           

     Taong 1941 nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa kainitan ng giyera ng binomba at sinunog ng mga kawal Hapon ang Bataan Sugar Central Company sa pag-aakalang dito ay maraming mga sundalong Amerikano at Pilipino. Matapos ang giyera ay muling bumalik sa pook ni Don Esteban ngunit hindi na upang ipagpatuloy ang asukalan sapagkat ganap na ring nawasak ng giyera ang planta. Nagpatanim na lamang siya ng mga puno ng saging upangpakinabangan ng mga tao rito. Pagkatapos noon ay hindi na muling bumalik dito ang naturang haciendero dahil na rin umano sa takot sa mga kasapi ng HUKBALAHAP.

           

     Ilang panahon din ang dumaan na ang katawagan sa pook na ito ay Cupang Central. Nagsimula lamang na maging independenteng barangay ito nang magkaroon ng sariling kapitan at ipakipaglaban ang tuluyang pagsasarili nito. Ang unang kapitan ay si Ginoong Feliciano Reyes, taong 1963. Siya ang nasa panunungkulan noong simulang gawin ang Central Barrio School para sa mga mag-aaral sa Baitang I-IV lamang. Kasalukuyang inuumpisahan pa lamang ang gusali nang yumao siya. Humalili sa kanya si Ginoong Mariano Tejada, na sinundan nina Ginoong Hilarion Salazar, Ginoong Saturnino Amio, Sr., lahat ay yumao na dahilan sa iba’t ibang karamdaman. At Ginoong Romeo L. Caparaz na naglingkod mula taong 1994 hanggang 2007.

           

      Sa ngayon at sa pangalawang termino nya ay si Ginoong Ronald N. Caparaz ang kasalukuyang kapitan ng Barangay at siyang patuloy na nangunguna, kaagapay ang mga mamamayan, upang ganap na makamtan ng BARANGAY CENTRAL ang lubos na kaunlaran at katiwasayan.

Comments